Geronimo

Salita at sine.

Bravo!

Brave

Batang babaeng bida, binago’ng buhay, bukas. Birtud: bighani”t bikas, binibining brusko. Bravo, Brave (Mark Andrews, 2012)!

 

Antares

Alertantares

Antares, limited edition handmade chapbook na inilathala ng Aklat Kurimaw noong 2010. Heto ang sinabi ng makatang Vincenz Serrano tungkol sa aklat:

In Antares, Mesándel Virtusio Arguelles explores the entanglements and discrepancies that pervade intimacy: the fullness of endings, the emptiness of gestures and disclosures, the body as both site and sight of pleasure and anxiety. By stripping down language by way of erasure, Arguelles charges his work in such a way that utterances become, in turn, gnomic, recursive, and fractured. Although the collection takes its cue from cinema—the poems may be seen as considerations of, and departures from, films that have scenes of unsimulated sex—what becomes apparent are not trite juxtapositions of erotic and pornographic, viewer and audience, naked and unrevealed, image and flesh. Rather, in Antares, the web of the bed (“sapot ng kama”) becomes the place where sensitive relations (“maselang relasyon”)—complex, mediated, and harrowing as they may be—begin, assume form and flesh, then end. Moreover, location—and for Arguelles, this sense of location is multiple: in film, in the body, in words, in the other, the self, in a room—is inseparable from a sense of fragmented time: the moment of coupling (“ugnayan”) is indistinguishable from a loss that is real and whole (“kawalan [na] ganap at buo”).

*

Mga pelikulang pinagnilayan sa aklat:

Ai No Corrida

Anatomie De L’enfer

Antares

Battala El En Cielo

Hundstage

Intimacy

Ken Park

Pink Flamingos

Pola X

Romance X

Seul Contre Tous

Shortbus

The Brown Bunny

Thriller — En Grym Film

Twentynine Palms

9 Songs

*

Maligayang pagbabasa at panonood ng pelikula!

(Larawan mula sa Antares, 2004, ni Gotz Spielmann)

Sa puso mo, ikaw ay salarin

kenshin

Mas malalim kung sumugat ang salita, sabi nga, at kung isusudlong pa, maaaring higit ngang mapamuksa. Kaya naman, hindi mahirap isiping tumarak sa dibdib—at ikailang ulit ikinamatay/ikamamatay ni Kenshin Himura—ang mga salitang binitiwan ng kanyang katunggali sa dulong bahagi ng Rurouni Kenshin (Keishi Otomo, 2012): “Sa puso mo, ikaw ay salarin.”

Maaaring walang makadadaig sa husay manandata ni Kenshin Himura o ang dating asesinong si Battosai; walang talim na makasusupil sa kanya, subalit sa pagkakataong yun, sinupil siya ng talim ng salita: isang hagkis at kinitil nito ang kanyang pagpapalagay na maaaring talikuran ang nakaraan, na maaaring tahasang iwan ang dating buhay. Isang hagkis at ipinamalay muli sa kanya na nagkakamali siya, na ilusyon lamang ang lahat, at yun ang pinakamalupit at pinakamasakit. Paano pupurgahin ang laman ng puso? Katumbas ang gayon ng kamatayan. Kailangang dukutin ang puso mismo—hindi ito mapupurga, hindi masasala. Mananatili ang sala. Walang ganap na pagtalikod.

Ngunit kung hindi kamatayan ang pipiliing daan sa pag-absuwelto sa sarili kundi buhay—ito rin ay higit at ganap na kalbaryo. Ang patuloy na mamuhay tungo sa hinahangad na kapayapaan sa pamamagitan ng paghawak ng espadang baliktad ang talim; ang patuloy na lumakad palayo sa nakaraan—bagama’t batid na hinding hindi ito maiiwan hanggang huli—palapit sa kinabukasan, kipkip ang markang ekis sa pisngi na hindi na mabubura, oo, ito ay kalbaryo—ngunit katwiran din. Kambal na kalbaryo at katwiran—at narito ang rikit at balani ng pelikula—ang  piliin ang buhay kaysa, sa kaso ng salaring si Battosai, hindi mamatay—kundi pumatay muli.

The Reunion

 

 

Wala akong masabi. Sayang ang salita.

 

Unli-talino

Sa panahon ng unlimited, unlitxt, unlicalls, unli-surf, at kahit unli-rice, mayroon pa nga bang hindi maiaalok sa atin ang kapital upang tugunan ang ating unlimited ding gutom at pagnanasa? Wala na nga siguro: basta may pangangailangan, may magsusuplay ng produkto o serbisyo. Samakatwid, maaari na ring magkaroon ng unlimited na talino: yung 100% na naa-access ng isang tao ang kakayahan ng kanyang utak kontra sa sinasabing natural lamang na 15-20% access sa utak ng normal na indibidwal. Ito ang nasa ubod ng Limitless (Neil Burger, 2011). Isang struggling na writer (Bradley Cooper) ang biglang magiging super-talino sa tulong ng isang pill na ibibigay sa kanya ng kapatid ng kanyang dating asawa. S’yempre ay napakaganda ng gayong pangyayari: instant henyo, at  magagawa lahat ng gustong gawin sa pamamagitan ng super-utak na tinulungang mapagana ng gamot. Walang hindi mapagtatagumpayan, halimbawa, maisusulat ang isang buong nobela sa loob lamang ng ilang araw. Gayunman, s’yempre may konsekuwensiya rin ang ganitong magandang kapalaran. Pero anuman ang konsekuwensiyang yun, kung super-talino ka, malamang, alam mo rin kung paano yun tutugunan, kaya talaga namang kahika-hikayat ang magkaroon ng unli-talino.

 

Kebs and Day

Knight and Day ni James Mangold, 2010. Basta bakbakan ito.

 

Michelle Williams

Dalawang pelikula ni Michelle Williams na nagustuhan ko: Take This Waltz (Sarah Polley, 2011) at Blue Valentine (Derek Cianfrance, 2010). Wala pang panahon para magsulat, pero hindi ba’t sapat na si Michelle Williams?

 

 

Ay, Robot

Dalawa ang agad na ipinamamalay ng short film na I’m Here (2010) ni Spike Jonze: una, pagkilala at pagpapatibay/pagtitiyak ng pag-iral ng sarili bilang indibidwal (narito ako, buhay) at ikalawa, paglalaan ng naturang pag-iral ng sarili para sa iba/kapwa (na maituturing na pag-ibig: narito ako, para sa iyo). Para sa akin, pareho ang timbang ng dalawang posisyong ito bagama’t itinuturo nga hindi lang sa kristiyanong paniniwala na ibigin ang kapwa (gayunma’y karugtong din nito ang “gaya ng pag-ibig mo sa sarili”—samakatwid ay kailangan munang ibigin ang sarili para maibigay ang gayong pag-ibig sa iba). Wala namang bago sa mga konsepto/prinsipyong ito, bagama’t laging bukas para sa mga interpretasyon at lalo na, sa aplikasyon. Ang natatangi sa I’m Here, ipinamamalay muli sa atin ito sa pagkakataong ito sa pamamagitan ng mga karakter na robot. Natatanging mga robot dahil parang mga tao sa gawi (behavior) at kilos bagama’t nananatiling may artipisyal na talino, walang damdamin, at rechargeable. Kung ganito, bakit at paano sila “umiibig”? Kung sasagutin na “parang tao” rin, gaya nga ng mamamalas sa I’m Here, dinadala kung gayon ni Jonze sa iba pang (maaaring mas mataas) antas ang usapin ng sarili/kapwa (bagama’t nananatili pa ring pilosopikal/moral sa kalakhan) dahil “kung ang mga robot nga na walang “puso” ay kayang umibig at magbigay ng “sarili”—ano pa ang tao?” Subalit dahil nangyaring maitatanong ang tanong na ito—ang ibig bang sabihin ay wala na ba tayong pag-asa bilang tao o may panahon pa para pag-isipang mabuti ang ating mga pagpapahalaga (sa sarili at kapwa) at pagsasaalang-alang?

god bless this film

 

Buong akala ko ay bakbakang bakbakan kaya pinanood ko itong god bless america (Bobcat Goldthwait, 2011) bilang pahinga sa pagbabasa ng Beckett pero mali pala ako. Kritik-kritik (sa Manila Zoo) pala ito sa kalakhang konsumeristang kultura’t kalagayang moral sa kasalukuyan ng Amerika at halos tagibang na pag-unawa’t pagdepensa kung bakit nga ba may mga Amerikanong basta-basta na lang namamaril ng kapwa na sa kanilang matwid na paningin ay bastos, bugok, at basura kaya marapat lamang na burahin sa mundo. Buntonghininga.

In fairview, pretty-pretty-han itong si Tara Lynne Barr (nasa larawan). Well, slight.

Cinemadaldal o kumusta ka sa walang humpay na ulan, kaibigan?

 

 

 

Sabi na nga ba’t nagkamali ako nang pagkatapos panoorin ito, Crazy, Stupid, Love (Glenn Ficarra, John Requa, 2011)

ay pinanood ko rin itong 360 (2011) ni Fernando Meirelles.

Nagustuhan ko naman yung Crazy (andun si Marisa Tomei, gawd, inlab ako sa kanya ewan kung kailan pa!), halos solidong tradisyonal na rom-c0m, hindi nakakasuya ang mga bahagi liban sa ilang pagkakataon lalo sa medyo huli.

Ito namang 360, siyempre ay Meirelles na pelikula kaya medyo malaki ang inaasahan, hinangaan ko ang una niyang City of God (2002), nakasulat pa ako ng tula pagkaraan nito, at nagustuhan din ang The Constant Gardener (2008) na galing sa nobela ni John le Carre (na nagustuhan ko ang The Honourable Schoolboy noong nasa high school ako) gayundin ang Blindness (2008) na adaptasyon naman ng nobela ng isang gusto ko ring manunulat, si Jose Saramago, simula pa nang mabasa ko ang kanyang The Gospel According to Jesus Christ bagama’t hindi ko pa natatapos ang tatlong nobelang pawang nasimulan ko na: Baltasar & Blimunda, The Cave, at Death with Interruptions. Siyempre, atraksiyon din para sa akin na nasa pelikula ang man-crush kong si Jude Law at gayundin si Rachel Weisz na nasa Gardener din at ngayon ay nasa bagong Jason Bourne. Hindi naman disappointing itong 360, bagama’t nananatiling City of God pa rin ang pinakagusto ko sa mga gawa ni Meirelles hanggang sa kasalukuyan.

Pahabol: Nasa Crazy, Stupid, Love din si Ryan Gosling na kapapanood ko lang sa Drive (Nicolas Winding Refn, 2011) katambal ang kay gandang si Carrey Mulligan; narito rin si Emma Stone na siyempre naman ay nasa pinakabagong Spider-Man (na matapos kong panoorin ay binalikan din ang naunang tatlo na kinabilangan ng mahal kong si Kirsten Dunst!) katambal si Andrew Garfield na nasa The Social Network (2010) din na pinanood ko lang ulit kamakailan at muling hinangaan, para sa akin ang pinakamahusay na pelikula ni David Fincher so far (hindi ko nagustuhan ang kanyang The Girl with the Dragon Tattoo) kasama ang Fight Club (1999) at Zodiac (2007). Siyempre si Carrey ay katambal ni Andrew sa Never Let Me Go (Mark Romanek, 2010) — may sinulat ako tungkol dito ngunit kasama sa nabura sa luma kong blog.

Hayan, dumaldal lang talaga ako dito. Well, blog ko naman ito, hehe. Pero pasensiya na, kasi nami-miss ko rin magsulat dito, kahit basta sulat lang, chika, chorvah. Hindi naman ako humihinto sa panonood kahit na kulang na kulang ang oras. Napanood ko rin lately yung isa pang Bekmambetov, Day Watch (2006), at Chronicles (Josh Trank, 2012), at iba pang nawala sa isip ko ngayon. Siyempre mas marami ring na-miss: Cinemalaya, Dark Knight, Abraham Lincoln (na Bekmambetov din), at iba pa. Pero pasasaan ba’t mapapanood din ang mga ito, umulan ma’t umaraw!